2 ‘sextortionist’ arestado sa Las Piñas
Advertisement
Timbog ang dalawang lalaki sa isang operasyon ng pulisya sa Las Piñas City, dahil sa ginagawa nilang “sextortion” sa mga kababaihan nilang biktima.
Nakilala ang mga suspek na sina Jose Carlo Fajardo Estraza at John Paulo Suarez na ang modus ay magpanggap na babae at humanap ng mga babaeng maaring maging modelo sa social media.
Oras na may kumagat na sa kanilang panloloko, aalukin na nila ang mga ito ng raket na photoshoot, pero hihingan muna nila ang mga biktima ng hubad na larawan para sa umano’y proseso ng screening.
Kapag nakuha na nila ang tiwala ng mga biktima at nagbigay na ang mga ito ng kanilang hubad na larawan, gagamitin na ng mga suspek ang mga ito upang takutin ang mga biktima na ikakalat nila ang mga larawan sa internet.
Panakot pa nina Fajardo at Suarez sa mga biktima, ia-upload nila ang mga litrato kung hindi nila makukuha ang kanilang gusto tulad ng pera o pakikipagtalik sa mga ito.
Dahil dito, nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Cavite sa Las Piñas, kung saan matagumpay nilang naaresto ang dalawa.
Nanawagan naman ang pulisya sa iba pang mga nabiktima ng dalawa na lumapit agad sa kanila para masampahan agad ng kaso ang mga suspek, dahil nang makumpiska nila ang gadgets ng dalawa, may iba pang larawan ng mga nakahubad na babae ang kanilang nakita.
Source: Radyo Inquirer
Advertisement
Share on Twitter
Share on Facebook
